Napoles
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Napoles (bigkas: NA-po-les; Italyano: Napoli, Ingles: Naples) ay isang lungsod sa Italya; ito ang kabisera ng rehiyon ng Campania at gayundin ng kasimpangalang kalakhang lungsod nito. Kilala sa mayamang kasaysayan, sining, kultura, arkitektura, musika, at mga lutuin, ang Napoles ay gumanap ng mahalagang papel sa Tangway ng Italya at iba pa[2] sa mahabang panahon ng pag-iral nito, na nagsimula ng mahigit na 2,800 taon nang nakaraan. Matatagpuan sa kanlurang baybay ng Italya katabi ng Golpo ng Napoles, ang lungsod ay namamagitan sa dalawang dakong mabulkan: ang Bulkang Vesubio at ang mga Larangang Flegreo. Ito ay may populasyon ng 963,357 noong 2009.[3]
Napoli | |||
---|---|---|---|
lungsod, munisipalidad ng Italya, big city | |||
| |||
Mga koordinado: 40°50′09″N 14°14′55″E | |||
Bansa | Italya | ||
Lokasyon | Kalakhang Lungsod ng Napoles, Campania, Italya | ||
Pamahalaan | |||
• mayor of Naples | Gaetano Manfredi | ||
Lawak | |||
• Kabuuan | 119.02 km2 (45.95 milya kuwadrado) | ||
Populasyon (1 Enero 2023)[1] | |||
• Kabuuan | 913,462 | ||
• Kapal | 7,700/km2 (20,000/milya kuwadrado) | ||
Sona ng oras | UTC+01:00, UTC+02:00 | ||
Wika | Wikang Italyano | ||
Plaka ng sasakyan | NA | ||
Websayt | http://www.comune.napoli.it |
Unang tinirhan ng mga Griyego noong unang milenyo BK, ang Napoles ang isa sa pinakamatandang tuluyang tinitirhan na urbanong pook sa mundo.[4] Sa ika-9 na siglo BK, isang kolonya na kilala bilang Parthenope (Sinaunang Griyego: Παρθενόπη) ang itinatag sa Pulo ng Megaride.[5] Noong ika-6 na siglo BK, muli itong itinatag bilang Neápolis.[6] Ang lungsod ay isang mahalagang bahagi ng Magna Graecia, at may mahalagang papel sa pagsasanib ng lipunang Griyego at Romano, at naging mahalagang sentrong pangkultura sa ilalim ng mga Romano.[7]
Naging kabisera ito ng Dukado ng Napoles (661–1139), at matapos ng Kaharian ng Napoles (1262–1816), at sa huli ng Dalawang Sicilia hanggang sa pag-iisa ng Italya noong 1861. Ang Napoles ay tinagurian ding kabisera ng Baroko, na nagsimula sa karera ni Caravaggio noong ika-17 siglo, at sa rebolusyong pansining na kaniyang naitulak.[8] Naging mahalagang sentro rin ito ng humanismo at Pagkamulat.[9][10] Ang lungsod ay naging pandaigdigang pook-sanggunian ng klasikong muskika at opera sa pamamagitan ng Paaralang Napolitano.[11] Sa pagitan ng 1925 hanggang 1936, ang Napoles ay pinalawak at iniangat lalo ng pamahalaan ni Benito Mussolini. Sa mga huling taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tuloy-tuloy itong nawasak mula sa pambobomba ng mga Alyado habang nilusob nila ang tangway. Lubos na nakatanggap ng malawakang muling-pagtatayo ang lungsod matapos ang 1945.[12]
Mula noong huling bahagi ng ika-20 siglo, ang Napoles ay nagkaroon ng makabuluhang paglago ng ekonomiya, sa tulong ng pagtatayo ng distritong pangnegosyo ng Centro Direzionale at isang abanteng ugnayan ng transportasyon, na kinabibilangan ng mabilisang ugnayang riles ng Alta Velocità sa Roma at Salerno at isang pinalawak na ugnayang subteraneo. Ang Napoles ay ang pangatlong pinakamalaking ekonomiyang urbano sa Italya, pagkatapos ng Milan at Roma.[13] Ang Pantalan ng Napoles ay isa sa pinakamahalaga sa Europa. Bilang karagdagan sa mga komersiyal na aktibidad, tahanan ito ng Allied Joint Force Command Naples, ang katawan ng NATO na nangangasiwa sa Hilagang Africa, Sahel, at Gitnang Silangan.[14]
Ang makasaysayang sentro ng lungsod ng Napoles ay ang pinakamalaking uri nito sa Europa at itinalaga bilang isang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO. Kabilang sa mga kalapit na mahalagang pook pangkultura at pangkasaysayan ang Palasyo ng Caserta at ang mga Romanong guho ng Pompeya at Herculano. Kilala rin ang Napoles sa mga likas na kagandahan nito, tulad ng Posillipo, mga Larangang Flegreo, Nisida, at Vesubio.[15] Ang lutuing Napolitano ay kilala sa pagkakaugnay nito sa pizza, na nagmula sa lungsod, pati na rin ang maraming iba pang lokal na lutuin. Ang mga restawran sa lugar ng Napoles ay nakakuha ng pinakamaraming bituin mula sa Michelin Guide ng anumang lalawigan ng Italya.[16] Ang skyline ng Naples sa Centro Direzionale ay ang unang skyline ng Italya, na itinayo noong 1994, at sa loob ng 15 taon ay ito lamang ang nag-iisa hanggang 2009. Ang kilalang koponan sa sports sa Napoles ay ang Serie A football club na SSC Napoli, ay dalawang beses na Italyanong kampeon na naglalaro sa Stadio San Paolo sa timog-kanluran ng lungsod, sa kuwarto ng Fuorigrotta.