Bagong Taon ng mga Tsino
Pagdiriwang ng mga Tsino / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Bagong Taon ng mga Tsino ay isang kapistahan upang ipagdiwang ang simula ng isang bagong taon sa tradisyonal na kalendaryong lunisolar ng mga Tsino. Sa wikang Tsino, madalas itong tinutukoy bilang Kapistahan ng Tagsibol (Tsinong tradisyonal: 春節; Tsinong pinapayak: 春节; pinyin: Chūnjié)[2] dahil nagsisimula ang tagsibol sa kalendaryong lunisolar sa lichun, ang una sa dalwampu't apat panahong solar na ipinagdiriwang sa Bagong Taon ng mga Tsino.[3] Nagmamarka ng katapusan ng taglamig at simula ng tagsibol, nagaganap ang pagdiwang mula Bisperas ng Bagong Taon, ang gabi bago ang unang araw ng taon, hanggang sa Pista ng Ilawan na idinaraos sa ika-15 araw ng buwan. Pumapatak ang unang araw ng Bagong Taon tuwing may bagong buwan na nagpapakita sa pagitan ng 21 Enero at 21 Pebrero.[lower-alpha 1]
Bagong Taon ng mga Tsino | |
---|---|
Ibang tawag | Katagsibulan, Bagong Taon ng Buwan |
Ipinagdiriwang ng | Mga Tsino at Sinoponong komunidad[1] |
Uri | Kultural Relihiyoso (Katutubong relihiyon ng mga Tsino, Budismo, Confucianismo, Taoismo, ilang mga Kristiyanong komunidad) |
Kahalagahan | Paggunita sa simula ng bagong taon sa tradisyonal na lunisonar na kalendaryong Tsino |
Mga pagdiriwang | Sayawang leon, sayawang dragon, paputok, pagtitipon ng pamilya, kainang pamilya, pagbibisita sa mga kaibigan at kamaganak, pagbibigay ng mga ampaw, pagpapalamuti ng mga koplang chunlian |
Petsa | Unang araw ng unang lunisolar na buwan ng mga Tsino |
Dalas | Taunan |
Kaugnay sa | Pista ng Ilawan at mga kahawig na selebrasyon sa mga iba pang Asyanong kultura |
Isa ang Bagong Taon sa mga pinakamahalagang kapistahan sa kulturang Tsino, at malaki ang impluwensiya nito sa mga selebrasyon ng Bagong Taon ng Buwan ng 56 pangkat etniko nito, kagaya ang Losar ng Tibet, at mga karatig na bansa, katulad ng mga Bagong Taon ng mga Koreano at Biyetnames,[5] pati na rin sa Okinawa.[6] Ipinagdiriwang din ito sa mga ibang rehiyon at bansa na may malaking populasyon ng mga Tsino o mga Sinopono, lalo na sa Timog-silangang Asya. Kabilang dito ang Singapura,[7] Brunay, Kambodya, Indonesya, Malaysia, Myanmar,[8] Pilipinas,[9] Taylandiya, at Biyetnam. Prominente rin ito sa labas ng Asya, lalo na sa Australya, Kanada, Mawrisyo,[10] Bagong Silandiya, Peru,[11] Timog Aprika, Reyno Unido, at Estados Unidos, pati na rin sa maraming bansa sa Europa.[12][13][14]
May kaugnayan ang ilang alamat at kaugalian sa Bagong Taon ng mga Tsino. Ayon sa tradisyon, naging panahon ang kapistahan upang igalang ang mga bathala gayundin ang mga ninuno.[15] Sa loob ng Tsino, nag-iiba ang mga kaugalian at tradisyon ukol sa selebrasyon ng Bagong Taon sa bawat rehiyon,[16] at ang gabi bago ang Araw ng Bagong Taon ay madalas na itinuturing na okasyon upang magtipun-tipon ang mga pamilyang Tsino para sa taunang hapunang reunyon. Isang tradisyon din sa bawat pamilya ang masusing paglilinis ng bahay, upang paalisin ang anumang kamalasan at makapasok ang kaswertehan. Isa pang kauglian ang paglalagay sa mga bintana at pintuan ng mga pulang palamuting papel at kopla. Kabilang sa mga sikat na tema sa mga dekorasyong ito ang magandang kapalaran o kaligayahan, kayamanan, at mahabang buhay. Kabilang sa mga iba pang aktibidad na may kinalaman dito ang pagpapaputok at pagbibigay ng pera sa loob ng ampaw.