Talaan ng mga lungsod sa Noruwega
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ito ay isang talaan ng mga lungsod ay bayan sa Noruwega, Hilagang Europa.
Ang salitang Noruwego para sa bayan o lungsod ay by. Dating binukod ang mga lungsod bilang kjøpstad (bayang pamilihan) o ladested (maliit na pantalang dagat),[1] at bawat isa sa mga ito ay may natatanging karapatan. Winakas ang mga natatanging karapatang pangangalakal para sa mga lungsod noong 1857, at pinawalang-bisa nang tuluyan ang pagkakabukod-bukod noong 1952 at pinalitan ng payak na kauriang by. Dahil diyan, walang pagkakaiba ang isang lungsod at isang bayan sa Noruwega.
Ang mga lungsod ng Noruwega ay nakapaloob sa mga munisipalidad sa bansa. Ang mga munisipalidad naman ay isang yunit ng lokal na pamahalaan sa Noruwega na nakapaloob sa mga kondado na pangunahing paghahating pampangasiwaan sa bansa. Karamihan sa mga munisipalidad ay binubuo ng mga pamayanan (maaaring lungsod o nayon), ngunit may ilan sa mga ito ay mismong mga lungsod, tulad ng Oslo (ang kabisera ng bansa) na kapwa isang munisipalidad at isa ring lungsod.
Bago ang taong 1996, ang "katayuang panlungsod" ("city status") ay ginagawad ng Ministry of Local Government and Regional Development. Ngayon ipinapasya ng bawat sanggunian ng mga munisipalidad ang usapin ng paggagawad ng katayuang panlungsod at pormal na tinatanggap ng estado. Mula noong 1997 hindi dapat bababa sa 5,000 ang populasyon ng isang munisipalidad upang maipahayag ang katayuang panlungsod para sa isa sa mga pamayanan nito. Noong 1999 ipinahayag ng sangguniang pangmunisipalidad ng Bardu ang katayuang panlungsod para sa Setermoen, isa sa mga pamayanan nito, ngunit tinanggihan dahil hindi naabot ng Bardu ang itinakdang pinakamaliit na populasyon. Isang kataliwasan ang kaso ng Honningsvåg sa munisipalidad ng Nordkapp, na naging lungsod sa kabila ng hindi pag-abot ng Nordkapp ang itinakdang pinakamaliit na populasyon bago ang pagpapatupad ng limitasyon noong 1997.[2]
Sa kasalukuyan, ang pambansang kabisera na Oslo na itinatag noong taong 1000 ay ang pinakamalaking lungsod sa Noruwega.