Pandaigdigang Pamantayang Bilang ng mga Publikasyong Seryal
natatangi na walong-tambilang na numerong ginagamit sa pagkakakilanlan ng isang nakalimbag o elektronikong periyodiko / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Pandaigdigang Pamantayang Bilang ng mga Publikasyong Seryal o ISSN ay isang walong-tambilang na numerong seryal na ginagamit bilang natatanging tagatukoy sa isang publikasyong seryal tulad ng magasin.[1] Ang ISSN ay lalong nakakatulong sa pagkilala sa pagitan ng mga seryal na may parehong pamagat. Ang mga ISSN ay ginagamit sa pagbili, pagkakatalogo, mga pagpapahiram sa pagitan ng mga aklatan, at iba pang mga kasanayan na may kaugnayan sa panitikang seryal.[2]
Akronima | ISSN-615-682536 |
---|---|
Organisasyon | ISSN International Centre |
Ipinakilala | 1976; 48 taon ang nakalipas (1976) |
Blg. na inilathala | > 2,000,000 |
Blg. ng mga tambilang | 8 |
Check digit | Tinimbang na kabuuan |
Halimbawa | 2049-3630 |
Pook-sapot | issn.org |
Ang sistemang ISSN ay unang binalangkas bilang isang pandaigdigang pamantayan ng Organisasyong Pandaigdig para sa Pagsasapamantayan (ISO) noong taong 1971 at inilathala bilang ISO 3297 noong 1975.[3] Ang subcommittee ng ISO na TC 46/SC 9 ay inaatasan na panatilihin ang pamantayan.
Kapag ang isang seryal na may kaparehong nilalaman ay nailathala sa mahigit sa isang uri ng media, ibang ISSN ang nakatalaga sa bawat uri ng media. Isang halimbawa nito ay ang paglathala ng maraming seryal sa bersyong nakalimbag at elektronikong media. Ang sistemang ISSN ay tumutukoy sa mga uri na ito bilang print ISSN (p-ISSN) at electronic ISSN (elektronikong ISSN o e-ISSN).[4] Dahil dito, gaya ng tinukoy sa ISO 3297:2007, ang bawat seryal sa sistemang ISSN ay nakatalaga ng linking ISSN (nag-uugnay na ISSN o ISSN-L) na karaniwan ay kapareho ng ISSN na itinalaga sa seryal sa una nitong nailathala na midyum, na nag-uugnay sa lahat ng ISSN na nakatalaga sa seryal sa bawat midyum.[5]