Wikang Filipino
Pambansang wika ng Pilipinas, na nakabase sa Wikang Tagalog / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang wikang Filipino ay ang pambansang wika ng Pilipinas. Itinalaga rin ang Filipino kasama ang wikang Ingles, bilang isang wikang opisyal o opisyal na wika ng bansa.[2] Isa itong de facto at hindi de jureng istandard na varayti o baryedad ng wikang Tagalog,[3] na isang rehiyonal na wikang Austronesian o Austronesyo na malawakang sinasalita sa Pilipinas. Nasa 24 milyong katao o mga nasa sangkapat ng populasyon ng Pilipinas noong 2018 ang nagsasalita ng Tagalog bilang unang wika,[4] habang nasa 45 milyong katao naman ang nagsasalita ng Tagalog bilang ikalawang wika sang-ayon noong 2013.[1] Isa ang Tagalog sa 185 mga wika sa Pilipinas na tinukoy sa Ethnologue.[5] Sa pagka-opisyal, binibigyan kahulugan ang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang "ang katutubong wik, pasalita at pasulat, sa Metro Manila (Metropolitan Manila) o Kalakhang Maynila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa mga ibang sentrong urban o urbano ng arkipelago o kapuluan."[6] Noong 2000, higit sa 90% ng populasyon ang nakakapagsasalita ng Tagalog, tinatayang nasa 80% ang nakakapagsalita ng Filipino at 60% ang nakakapagsalita ng Ingles.[7]
Filipino | |
---|---|
Wikang Filipino | |
Bigkas | [wɪˈkɐŋ ˌfiːliˈpiːno] |
Katutubo sa | Pilipinas |
Mga natibong tagapagsalita | 45 milyong tagapasalitang L2 (Tagalog) (2013)[1] |
Latin (alpabetong Filipino) Filipinong Braille Baybayin | |
Opisyal na katayuan | |
Pilipinas
ASEAN | |
Pinapamahalaan ng | Komisyon sa Wikang Filipino |
Mga kodigong pangwika | |
ISO 639-2 | fil |
ISO 639-3 | fil |
Glottolog | fili1244 |
Linguasphere | 31-CKA-aa |
Mga bansa na may higit sa 500,000 tagapagsalita
Mga bansa na may 100,000–500,000 tagapasalita
Mga bansa kung saan sinasalita ito ng mga minoryang pamayanan | |
Naglalaman ang artikulong ito ng mga simbolong ponetiko ng IPA Posible po kayong makakita ng mga tandang pananong, kahon, o iba pang mga simbolo imbes ng mga karakter ng Unicode dahil sa kakulangan ng suporta sa pag-render sa mga ito. Para sa isang panimulang gabay sa mga simbolong IPA, tingnan ang en:Help:IPA. |
Ang Filipino, tulad ng ibang wikang Austronesian o Austronesyo, ay karaniwang ginagamit ang order, orden o pagkakaayos na verb-subject-object o pandiwa-paksa/simuno-obheto/palayon/layon, pero puwede ring gamitin ang order, orden o pagkakaayos na subject-verb-object o paksa/simuno-pandiwa-obheto/palayon/layon. Ang direksyon nito ay direksiyon o direksiyonalidad na puno-inisyal o puno-muna (head-initial directionality). Isa itong aglutinatibong wika, pero puwedeng taglayin nito ang impleksyon. Hindi ito wikang tonal o may tono at puwedeng ituring ito bilang isang wikang may puntong tonal o wikang may puntong may tono (pitch-accent language).
Opisyal na hinango ang Filipino para maging isang wikang plurisentriko, habang pinagyayaman at pinapabuti pa ito ng iba pang mga wika sa Pilipinas sang-ayon sa mandato ng Konstitusyon ng 1987.[8] Naobserbahan sa Metropolitan Cebu (Metro Cebu) o Kalakhang Cebu[9] at Metropolitan Davao (Metro Davao) o Kalakhang Davao[10] ang paglitaw ng mga varayti o baryedad ng Filipino na may katangiang gramatika o panggramatika na iba sa Tagalog. Kabilang ang mga lugar na ito at ang Metropolitan Manila (Metro Manila) o Kalakhang Maynila sa tatlong rehiyon o lugar na metropolitan o metropolitano (metropolis) ng Pilipinas.